Friday, December 22, 2006

Kwentuhan lang naman…

Kwentuhan lang naman…
Ni Ma. Kristina P. Manozo

In this life, you can’t avoid gossip and unkind words from others. Whatever you do, you will never please everyone. Remember, if you were not worth anything, they would not bother.

Tumatak sa isip ko ang pinagpasa-pasahang mensaheng iyan na ipinasa rin sa akin ni Marcelle, kaibigan ko.
Tunay nga, dahil bawat tao ay may kani-kaniyang disposisyon sa buhay. Kani-kaniyang panlasa, at hindi mo sila masisisi kung hindi nila matanggap ang “ikaw” na simple at nagpapakatotoo lang.
May ilan kasi na kilala ka lang kung may kailangan sa iyo. May iba naman na sadyang ipinanganak upang ipangalandakan ang estado nila sa buhay at mamuhay bilang mga hari at reyna ng pintas, na sa sobrang palapintasin ay napapansin ang kahit na napakaliliit na mga bagay, at ang walang saysay pag-usapan ay pilit ring hinuhusgahan ng matatabil na dila. Nakakaawa.
Tulad ng mga kapitbahay namin na hindi namamansin as if hindi kami kilala pero kapag manghihingi ng donasyon para di-umano sa simbahan ay bigla kaming nakikilala.
Kapag may handaan sa kanilang bahay ay hindi man lang kami maimbitahhan kahit pabalat-sibuyas pero kapag ambagan para sa isang proyekto ng subdibisyon, bakit kami ang isa sa mga unang iniimbitahang mag-ambag?
Usapang imbitasyon pa rin, hindi kami iniimbita sa handaan sa kanilang bahay pero kapag may ibinebenta silang produkto ay kami ang kauna-unahang inaalok na bumili. At kung may pambansang okasyon man ay hindi rin kami nakakatanggap ng biyaya mula sa kanila kung hindi pa kami ang unang nagbibigay. Kung sa bagay, ayos lang. Sabi nga, “matutong magbigay at mahalin ang iyong kapwa.”
Eh, paano kung hindi naman sila ganoon sa iyo? Gagawin mo pa ba ang nararapat?
Wala ring kapitbahay na nagkakamaling kumuha sa amin para maging ninang o ninong ng kani-kanilang anak lalo na noong “tsaka” pa ang aming bahay. Ang “mabenta” sa pagiging ninong o ninang ay iyong may mga kotseng nakadispley sa harapan ng kanilang bahay. Pero kapag kailangan nila ang tulong o payo kung paano mag-aplay ng pension sa SSS; paano ang gagawin sa housing loan; magpapasok sa trabaho; pahingi ng buhangin o semento (sobra namin noong nagpa-renovate kami ng bahay) ay sa amin sila lumalapit.
Takang-taka sila kung bakit laging nasa loob ng bahay si Mamang at hindi katulad nila na umagang-umaga ay nakabalandra na sa kalye habang nagkukuwentuhan ng mga walang kapararakang bagay. Hindi nila alam, kumikita si Mamang kahit nasa loob lang siya ng bahay.
Takang-taka rin sila kung bakit ang dami niyang nilalabhang damit araw-araw. Kasi ang nakadamit lang sa kanila ay ‘yung misis. Ang ama, anak na ang lalaki ay naka-shorts lang at nakahubad maghapon. Ang hindi nila alam, sa aming pamilya ay dalawang set na ng damit ang kinukunsumo – pambahay at panlabas. E, sila, mga walang trabaho at hindi nagsisipag-aral kaya isang shorts lang (wala pa sigurong brief iyon) ang nagagamit maghapon at magdamag. Kasi ‘yung shorts din na iyon ang ipinantutulog.
Pero okey lang ‘yun. Araw na naman kasi ng mga puso kung kaya’t dapat silang patawarin at intindihin na lang sa kanilang mga nakagawian na. Hindi kasi nila alam na ang istorya ng buhay nila ang pinagkakakitaan ni Mamang.

Pinapatawad na kita… Paalam

Pinapatawad na kita… Paalam
Ni Cherry V. Tubes

Ilang minuto na ang nakakalipas pero para pa rin akong nakatingin sa kawalan. Hidi ko mapigilang huwag matulala matapos mong ipagtapat sa akin ang iyong kataksilan. Kahit paano ko piliting unawain ka ay hindi ko magawa. Gusto kong umiyak upang kahit paano ay maibsan ang sakit na aking nararamdaman pero wala ni isang luha ang lumalabas mula sa aking mga mata. Nais ko ring sumigaw ng malakas na malakas, ngunit wala ni katiting na tinig ang lumalabas sa aking lalamunan. Hindi ko alam kung bakit.
Maya-maya ay naramdaman kong hinawakan mo ang aking mga kamay. Sinubukan mong magpaliwanag at hingin ang aking pang-unawa. Pero tila sarado na ang aking isipan. Hindi na nito nais pang tumanggap ng paliwanag mula sa iyo. Ang tangi na lamang nitong alam ay ang katotohanang ako’y niloko mo.
Gayon pa man, ayaw kong maging hindi patas sa iyo kung kaya’t pinilit ko pa ring bigyan ng katwiran ang iyong pagkakasala. Sinubukan kong isiksik sa aking utak ang iyong rason. Nais kong kahit paano ay maging magaan para sa akin ang iyong ginawa. Tao ka lang din naman kasi, hindi ba? Hindi ka perpekto at may mga pagkakataon din naman na nagkakamali ka.
Subalit, bigo ako sa pagdepensa sa iyo sa aking isipan. Ginawa ko na ang lahat ng pag-unawa at inisip ang lahat ng mga posibleng dahilang makakapag-abswelto sa iyo, ngunit lubhang napakahirap talagang tanggapin na sa kabila ng mga ginawa ko para sa iyo’y nakuha mo pa rin akong pagtaksilan.
“Micah, patawarin mo ako. Hindi ko sinasadyang magpadala sa tukso. Nakikiusap ako, kalimutan na natin ang lahat at magsimula tayong muli. Pangako, magiging tapat na ako.” pagsusumamo mo.
Wala akong itinugon sa iyong pakiusap. Nakakatawang napakadali lang para sa iyo ang magbitiw ng ganyang mga salita. Napakagaling mo talagang mangako. Akala mo siguro’y magiging madali lang din sa akin ang lahat. Akala mo siguro’y ganoon lang kadaling mawala ang sakit. Nagkakamali ka. Hindi madaling pawiin ang kirot na nararamdaman ng puso.
Totoo nga ang sabi ng marami. Masakit matuklasan ang isang pagtataksil lalo na kung maririnig mo ito sa mismong bibig na taong labis mong minamahal. Kahit anong pagkukunwari ang gawin ko’y hindi ko maitatago ang sakit na aking nararamdaman. At kahit na anong paliwanag ang aking marinig ay hindi na nito mababago pa ang katotohanan.
Sa kabilang banda, nais ko pa ring magpasalamat sa iyo. Salamat at kahit paano ay naging tapat ka sa pag-amin sa iyong kataksilan. Salamat din dahil hindi mo na hinayaang malaman ko pa sa iba ang iyong ginawa at ikaw na mismo ang nagtapat nito sa akin. At higit sa lahat, salamat sa pagmulat sa akin sa reyalidad na hindi sa lahat ng pagkakataon ay kaya kong papaniwalain ang aking sarili.
Ramdam ko ngayon ang paninikip ng aking dibdib. Hinawakan ko ang kamay mong nakahawak sa isa kong kamay at ibinaling ang tingin sa nakayuko mong mukha. Pagkatapos niyon ay iniangat mo ang iyong nakayukong ulo upang salubungin ang aking tingin.
“Pinapatawad mo na ba ako?” tanong mo.
“Oo, pinapatawad na kita… Paalam”
Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Bigla ay dumaloy ang masaganang luha sa aking mga mata. Sa wakas ay napalaya ko na rin ang mga luhang kanina pa nais kumawala sa aking mga mata.

Conyolita

Conyolita
ni: Emadee Joy Pangaliman


Kailangan ko ng pera.
Uminog na naman sa aking isipan ang tema ng alak. Hindi ko mawari kung bakit sa tuwing hahawakan ko ang aking panulat ay lagging sumasagi sa aking kokote ang amoy ng emperador na unti-unting nanonoot sa aking mga ugat. Hindi ko lubos mapagtagpi-tagpi ang kasagutan kung bakit sa sa loob ng ilang taon kong pag-iinom ay laging “oishi red” at “boy bawang” ang pulutan. Hindi ko alam na nilunok ko na pala ang lahat ng aking sinabi nang magbitiw ako ng mga katagang “hindi na ako susuka!” dahil ito ay nasundan ng part II at part III.

Kung iyong iniisip na ang akdang ito ay nagpapatungkol sa toma, tagay, tanggero at amats. Nagkakamali ka, dahil ang kalipunan ng mga salitang nasa ideya ko ngayon ay umiikot lamang sa katanungang ito… Bakit dalawang numero lang ang lagi kong nakukuha sa super lotto?

Marami-rami na rin ang raket na pinasok ko. Nagpa-ending, nagpa-jai alai, nagpataya sa loteng, namuhunan sa embutido, tocino, pulburon, yema at nagbenta ng mga produkto na naharbat ko sa pamaskong handog ng mayor namin. Dumayo na rin ako sa mga saklaan at hinasa ang aking talento sa tong-its, kara-krus at pusoy. Sa tuwing itatayo na ang mga tolda sa peryahan, isa na ako sa mga nakapila sa “color game”. Ito ang laro kuna saan talagang kumpul-kumpol na sugarol ang naglalabas ng lahat ng kayamanan nila dahil may posibilidad itong madoble o triple pa. Anim na kulay ang nakalatag, ang mga kulay ng watawa ng Pilipinas na dinagdagan ng kulay pink. Maglalapag ka ng taya mo sa kahit anong kulay mo gusto. Hihilain ang tali at malalaglag ang tatlong dice na tinatakan ng nasabing anim na kulay. Tengga! Magpapaikot-ikot ang mga dice at kung anuman ang lumabas, may tatalon ng abot-langit sa tuwa at may manghihinayang. Minsan na kong sumalok ng dalawang libo sa larong ito at biglaan ding nawala sa isang tayaaan lang. Nakakasulasok ang pakiramdam ko noon. Nais kong sakalin ang isponsor ng color game na’yon pero inalala ko ang numero unong patakaran sa sugal… “No hard feelings” kaya kumain na lang ako ng shawarma sa katabing tolda at tiniis ang anghang ng hot sauce dahil kulang na ang barya ko pambili ng gulaman.

Masaya na ako sa ganitong kinagisnang buhay. Isa lamang ako sa libu-libong tambay na naglipana sa kanto. Inasam ko na rin ang makatikim ng pilak na kutsara sa bibig, tumira sa mala-palasyong bahay at humiga sa limpak-limpak na dolyar. Isa lamang ako sa libu-libong tao na ayaw nang magising sa tuwing mananaginip ng pagkapanalo sa sweepstakes. Isa lamang ako sa libu-libong nilalang na sumasamba sa pera.

Kailangan ko ng pera. Iyan ang sambit ko sa bawat araw na tatahakin ko ang mapaglarong mundo. Iyan ang sambit ko sa tuwing makakakita ako sa eskwelahan ng mga babaeng bagong facial, nagparebond at pinalitadahan ng kolorete sa mukha. Iyan ang sambit ko sa tuwing maiisip ko na “wash and wear” lang ang aking nag-iisang pares ng uniporme at pudpod na ang takong ng aking sapatos.

Ngunit sandali lang.Bigla akong nahiwagaan. Hindi ko nais na iugnay ang anumang bagay na taliwas sa isipan kong nakapokus sa salapi maging ang aking emosyon na nagpupumiglas sa paghiyaw ng mga salitang pag-ibig. Iwinaksi ko na ang mga ito subalit sa mga oras na ito ay may isang bagay na sumasagi sa aking isip… Sa tuwing masusulyapan ko siya, bakit hindi ko matarok ang lalim ng kanyang tingin sa akin?

Ganito ang nararamdaman ko ngayon… Nalilimutan ko ang mga raket, pagtitipid, mukha ng mga bayani sa pera at paniningil ng mga utang sa bawat sandaling magtatama ng aming mga mata. Ang damdamin ko ay tila napupunta sa ibang dimension na linid sa mundong gingalawan ko. Magulo ang mga detalye. Inuunawa ko ang ibig sabihin ng mga tingin na iyon pero hanggang ngayon ay wala akong mapagkabit-kabit na kasagutan. Malabo pa rin. Ayokong bumuo ng ibang konklusyon at maniwala sa sarili kong haka-haka na “nakacrushan ako ne’to!” Dahil para sa akin hindi ako handing humarap sa isang relasyon na hindi isinasaalang-alang ang pera na kabayaran sa lahat ng aking paghihirap. Ganid nanga yata ako. Ganid at mukhang pera.

Ang totoo, hinayaan ko na lang maging komplikado ang lahat. Nanggigigil na akong malaman kung ano ba talaga ang nasa likod ng mga matang iyon. Makailang ulit ko ng sinubukan ang lapitan at tanungin siya subalit nangingimi ako sa bawat pagkakataong makikita ko siyang napapalibutan ng mga babae at nagniningning sa gara ang kasuotan. Naisip kong siguro ay saka na lang. Kapag dumating na ang panahon na nakapagpa-skin peeling ng ako at nakapagpa-derma. Kapg madami na kong pera katulad ng mga “yamanechi” sa pelikula dahil natatakot akong iba ang nakikita niya sa hinihinuha kong nakikita niya.

Bumalik ako sa daloy ng aking pagsusulat. Pilit kong inilugar ang aking sarili sa katotohanan. Ewan ko kung bakit itinuturing kong pinakamataas ang pera sa lahat ng bagay. Inisip kong ito ang nagsisilbing aksis ng mundo. Sana baling araw ay mapagtanto ko rin na hindi pera ang nangingibabaw sa mundo kundi damdamin. Damdamin na kahit patuloy na ikubli at pagtakpan ng milyones ay hindi pa rin pasisiil.

Naguguluhan na ako sa sala-salabat na ideyang umiinog sa aking utak. At heto nga ako ngayon, bumubuo ng katapusan ng isang sulating maski ako ay hindi maunawaan ang tema.

Petshop

Petshop
Ni JOMARIE TINGA
Sa isang tindahan ng mga hayop (petshop) sa bayan, ay may isang babaeng nagngangalang Maria. Siya ay masayahing dalaga, mabait sa kanyang mga kaibigan lalung-lalo na sa mga mamimili ng kanyang pinagtatrabahuhang tindahan. Ngunit sa bawat ngiti na nakikita sa kanyang mga labi ay nakakubli ang mga luha at matinding kalungkutan. Hindi ito lingid sa lahat. Wala na siyang mga magulang simula ng magkaisip siya. Salamat na lamang at nariyan pa ang kanyang lola na kanyang nakakaramay sa hirap at ginhawa.
Ngunit isang araw, sa kanyang pag-uwi sa kanilang tahanan galling sa trabaho, ay sumambulat sa kanya ang isang napakasakit na balita. Nasunog ang kanilang tinitirahan kasama ang kanyang mahal na lola. Matinding panlulumo ang naramdaman ni Maria, mahigpit niyang niyakap ng sunog na bangkay ng kanyang lola habang humahagulgol. Kasabay ng pag-iyak ay ang pamumuo ng matinding galit sa kanyang puso. Maraming katanungan ang gumugulo sa kanyang isipan. Bakit ko nararanasan ang lahat ng ito? Bakit ako? Marami nab a talaga akong kasalanan sa inyo? Ilan lamang ito sa mga katanungang isinusumbat niya sa Diyos.
Lumipas ang dalawang linggo, naihatid na sa huling hantungan ang kaawa-awang matanda. Mag-isa na ngayong mamumuhay si Maria. Wala siyang pwedeng gawin kundi ituloy ang buhay. Magmula ng nangyari ang trahedya, nawala na ang mga ngiti sa llabi ng dalaga. Ngunit dahil sa kanyang trabaho, kailangan niya itong itago at palitan ng kasiyahan. Masuwerte pa rin si Maria dahil naawa sa kanya ang may-ari ng tindahang kanyang pinagtatrabahuhan at sila na ang sumagot sa pagpapalibing sa kanyang lola. May mga nagging problena din ang dalaga sa kanyang trabaho. Madalas siyang sumagot ng pabalang sa mga mamimili sa nasabing tindahan, at nang dahil dito ay madalas din siyang nakakagalitan ng may-ari. Malaki na nga ang ipinagbago ni Maria. Naging negatibo na ang pananaw niya sa buhay. Salamat na nga lamang at inuunawa siya ng may-ari at pinapatawad din siya agad.
Isang araw, maagang pumasok si Maria sa trabaho. Wala pa namang tao at naglinis muna siya. Inilagay niya ang mga hayop na sa tingin niya ay walang bibili sa bodega sa dulo ng tindahan. Isang hayop ang kanyang inilagay sa bodega, isang pilay at may galis na aso. Inilabas niya ito dahil sa tingin niya ay walang magkakainteres pang bumili. Makalipas ang isang oras, habang hinihintay niya ang mga taong kukuha sa aso upang itapon o gamitin sa eksperimento, isang mamimili ang pumasok sa tindahan. Isang matandang lalaki. Sinalubong niya ito ng masiglang ngiti, at sabay bati ng magandng umaga. Ngumiti din ang matanda at lumapit sa kanya at nagtanong kung anong hayop ang maaari niyang bilhin at pwede niyang maging alaga. Naikwento ng matanda na mag-isa na rin siya sa buhay. Nagkibit balikat lamang ang dalaga at pilit na itinago ang kalungkutan at inakay niya ang matandang lalaki upang ipakita ang mga ipinagbibili nilang mga hayop. Una niyang ipinakita ang mga ibon. Iba’t iba ang mga kulay nito at nakakawala ng problema ang mga huni at pag-awit na ginagawa nila. Sumunod ang mga pusa, iguana, at marami pang iba. Nasa kaloob-looban na sila ng tindahan, at sa bandang dulo, naroon ang mga aso. Iba’t ibang uri at lahi ng mga aso ang ipinakita ni Maria sa matandang lalaki at aliw na aliw ito sa mga hayop. Hanggang sa pabalik na sila sa bungad ng tindahan at tatanungin na siya ni Maria kung anong hayop ang nais niyang bilhin, nakarinig ang matanda ng isang ungol, ungol ng pagmamakaawa at punong-puno ng hinanakit. Hinanap niya kung saan nagmumula ang ungol na iyon. Tinanong niya si Maria at sinabi nitong isa iyon sa mga hayop na hindi na ipinagbibili dahil saw ala nang magkakainteres na kuhain pa iyon. Pilit na hinanap iyon ng matanda haggang sa makarating siya sa bodega. Nakita niya ang kaawa-awang kalagayan na kawawang nilalang. Tinanong niya ang dalaga kung magkanong ipinagbibili ang asong iyon. Malakas na tawa ang ibinalik ni Maria sa matanda. Sinabi niya na h’wag magbiro ang matanda at kung gusto niya talaga ito, ibibigay niya ito ng libre. “Sigurado po ba talaga kayo Sir?” Muling tanong ng dalaga. “ Paano po kayo mag-aalaga ng isang asong hindi man lang makalakad ng maayos dahil sa kapansanan nito at paano niya kayo maipagtatanggol sa mga taong gustong manakit sa inyo gayong sarili niya ay hindi niya maipatanggol?”, dagdag pa niya. Tumingin sa kanya ang matanda at winika nito, “ Hindi man siya makalakad ng maayos, ako ang masisilbing paa niya, at hindi nya man ako maipatanngol sa mga gustong manakit sa akin, ako ang magtatanggol sa kanya. Ipaparamdam ko sa kanya ang pagmamahal na hindi niya naranasan at naramdaman sa buong buhay niya”. Natahimik si Maria, para bang may biglang kuryenteng dumaloy sa kanyang buong katawan. Isang nakabibinging katahimikan ang bumalot sa paligid. Kasabay nito ang pagbabalik tanaw ng dalaga sa kanyang nakaraan. Masaya silang namumuhay noon ng kanyang lola at biglang dumating ang isang trahedya na nagging sanhi ng pagpanaw nito at nabalot siya ng poot. Muli siyang bumalik sa kasalukuyan at napansin niyang may luha sa kanyang mga mata. Wala na sa kanyang harapan ang matanda.hinanap niya ito sa buong tindahan at tinungo niya ang pintuan palabas, ngunit hindi na niya ito nasilayan pang muli. Pagkabalik niya sa loob ng tindahan, may kung anong emosyon ang kumurot sa kanyang puso, at malalim siyang nag-isip habang tumutulo ang kanyang mga luha at siya’y pumikit at ibinukas ang kanyang mga mata.. Nabanggit niya sa kanyang sarili, “Tama nga siya, hindi mahalaga kung ano at sino ka. Ang pinakamahalaga ay kung ano ang kaya mong ibigay para sa iba. Totoo nga na napakaiksi lamang ng buhay, kaya dapat tayo laging maging masaya at gawin itong makabuluhan”. Muli siyang pumikit at winika ang ilang kataga, “ Panginoon, patawarin po ninyo ako, isa po akong makasalanan. Nawa’y itulad po ninyo ako sa asong iyon at kayo po ang aking maging paa at maging gabay at liwanag sa dilim”.
Nang hapong iyon, umuwi si Maria na may mga ngiti sa kanyang mga labi, at magmula noon , bumalik ang sigla sa kanyang katauhan. Bumalik ang dating Maria na masayahin at positibo ang pananaw sa lahat ng mga bagay.

ISANG TALUMPATI

ISANG TALUMPATI
( isang talumpati sa harap ng aking mga kamag-aral)
Ni JOMARIE TINGA

Napakaraming bagay na gumugulo sa aking isipan.Mga katanungang pilit kong gustong hanapan ng kasagutan.Mga kasagutang lubhang mahalaga para sa aking pamumuhay dito sa ating daigdig. Ano nga ba ang Kaligayahan? Kailan natin ito nararamdaman? Ano nga ba ang pag-ibig? Bakit ito lubhang mahalaga? bakit kailangan nating maniwala sa ating mga sarili sa tuwing may mga bagay tayong nais gawin? Ano nga ba ang Tagumpay? Kailan natin ito tinatamasa? Ano nga ba ang Buhay? Ilan lamang ito sa mga katanungang aking nais malinawan. Sa nakalipas na dalawampu’t isang taon ng aking pamumuhay dito sa ating daigdig at sa pakikiksalamuha sa iba’t-ibang tao,kaibigan,kamag-aral,at ang aking pamilya,ay isa-isa kong nahanap ang mga kasagutan sa mga katanungang ito.

KALIGAYAHAN, Ano nga ba ang Kaligayahan? Ang kaligayahan ay ang pagtanggap at pagiging kontento s mga bagay na meron tayo ngayon. Dahil kung ating iisipin, hindi lahat ng bagay na ating hinihiling ay ibinibigay sa atin, ngunit kung ating tatanggapin ng maluwag sa ating mga sarili ang mga bagay na ibinigay sa atin ng DIYOS at matuto tayong makuntento sa mga bagay na ito, naniniwala ako na doon natin mararamdaman at maiintindihan kung ano ang ibig sabihin ng salitang “KALIGAYAHAN”

TIWALA SA SARILI, Bakit kailangan nating maniwala sa ating mga sarili sa tuwing may mga bagay tayong nais gawin? Lubhang napakahalaga ang pagkakaroon ng tiwala sa ating sarili, dahil paano natin mapapaniwala ang ibang tao sa\n ating kakayahan, kung tayo mismo ang unang mangangamba sa ating sarili? Kaya't kung nais mong may patunayan, dapat ikaw mismo ang unang magtiwala sa iyong kakayahan. At kapag ginawa mo ito siguradong makakamit mo ang paniniwala at pagtitiwala ng mga taong nakapalibot sa iyo. TAGUMPAY, Ano nga ba ang tagumpay? Ang tagumpay ay hindi ang mga materyal na meron tayo ngayon, hindi ang magagarang sasakyan, malaking bahay,alahas,at salapi. Ang tagumpay ay kung paano natin nalabanan at nalampasan ang mga pagsubok,habang tinatahak natin ang daan patungo sa ating pangarap. BUHAY, Ano nga ba ang buhay? Ang buhay ay hindi katulad ng isang bangkang papel,na kapag ating inilagay sa dumadaloy na batis,ay hahayaan na lang natin na kung saan dadalhin ng agos, dapat tayo mismo ,bilang mga nilalang,bilang mga indibidwal na may sariling puso’t isipan ang s’yang maghari at pumili ng direksyong ating gustong tahakin.Totoo nga na maiksi lamang ang buhay,kaya dapat natin itong gawing masaya at kapakipakinabang

PAG-IBIG, Ano nga ba ang pag-ibig? Ang pag-ibig ay ang pinakamagandang bagay na ating mararanasan habang tayo’y nabubuhay. Ito rin ang pinakamagandang bagay na ating maibibigay sa ating kapwa. Nang dahil sa pag-ibig,patuloy tayong nabubuhay na puno ng pag-asa.

TIWALA SA SARILI, Bakit kailangan nating maniwala sa ating mga sarili sa tuwing may mga bagay tayong nais gawin? Lubhang napakahalaga ang pagkakaroon ng tiwala sa ating sarili, dahil paano natin mapapaniwala ang ibang tao sa ating kakayahan, kung tayo mismo ang unang mangangamba sa ating sarili? Kaya't kung nais mong may patunayan, dapat ikaw mismo ang unang magtiwala sa iyong kakayahan. At kapag ginawa mo ito siguradong makakamit mo ang paniniwala at pagtitiwala ng mga taong nakapalibot sa iyo.

TAGUMPAY, Ano nga ba ang tagumpay? Ang tagumpay ay hindi ang mga materyal na meron tayo ngayon, hindi ang magagarang sasakyan, malaking bahay,alahas,at salapi. Ang tagumpay ay kung paano natin nalabanan at nalampasan ang mga pagsubok,habang tinatahak natin ang daan patungo sa ating pangarap.

BUHAY, Ano nga ba ang buhay? Ang buhay ay hindi katulad ng isang bangkang papel,na kapag ating inilagay sa dumadaloy na batis,ay hahayaan na lang natin na kung saan dadalhin ng agos, dapat tayo mismo ,bilang mga nilalang,bilang mga indibidwal na may sariling puso’t isipan ang s’yang maghari at pumili ng direksyong ating gustong tahakin.Totoo nga na maiksi lamang ang buhay,kaya dapat natin itong gawing masaya at kapakipakinabang.

Nawa’y nakapagbigay ako ng konting kaalaman,at inspirasyon sa inyong lahat.
Muli ako si JOMARIE TINGA,ang inyong butihing kamag-aral.
Maraming Salamat sa inyong lahat!

Monday, December 18, 2006

Si Bespren Long Neck

Si Bespren Long Neck
Ni Emadee Joy Pangaliman

Ilan lamang iyon sa mga maliliit na kasinungalingang ipininid ko sa aking isipan. Isa na lamang siyang matamis na panaginip na ikinulong ko sa pinakamalalim na parte ng aking pagkatao. Ikinandado ng mapapait na alaala na matatagpuan sa pinakamadilim na silid ng aking puso. At kahit ano pa man ang aking gawin ay hindi ko na mahanap ang susi nito.
Ginawa ko na lamang taong bahay ang aking sarili sa araw na ito. Hindi naman na kasi mainam ang paghingi ng aguinaldo kapag narating mo na ang edad na disi-otso. Sa isang pangkaraniwang tao na katulad ko na hindi nakukumpleto ang koleksyon ng 13 bilog na prutas ‘pag Noche Buena, kahit biko lang ang ihain ayos na. Sa ilang taon kong pagpapasasa sa simpleng buhay, simpleng “happy peanuts” at long neck lang… solve na. Dahil para sa simpleng tao, bilog ang mundo at nakakalasing ang Pasko.
Umaga ng bisperas. Puno na ang palengke. Kumobra na naman ng libu-libo ang mga nagkakatay ng baboy, pumapatay ng manok, nagtitinda ng ubas, umaangkat ng gulay, at nagtatanggal ng agiw ng kisame. Mistulang sembreak lang ang Pasko. Dalawang pandesal na may tig-isang pahid ng dairy cream at kapeng barako ang hawak ko sa magkabilang kamay. Nakaupo akong nakatulala sa countdown to Christmas ng mga balita. Nangangarap na tumitikim ng leche flan sa poster ng Goldilocks at nananaginip ng gising na kunwari’y nasa loob ng telebisyon – nag-shashopping ng maraming Christmas balls at parol na hugis anghel at may hawak na pink na kandila.
Kuntento na ako sa ganito. Nag-offer lang naman ako kay Lord ng dasal na may kasamang buko juice kaninang umaga pagkagising ko.
Saglit akong napatingin sa kawalan at sumagi ang kanyang mukha sa aking isipan. Siya kaya? Sana ay nanalo siya ng keso de bola sa raffle at kung magkasama pa kami, may balato pa sana akong kalahating hiwa. Mag-iisang taon na rin ngunit ni minsan walang oras na hindi ko nilasap na sana’y maulit muli ang Paskong tuyo at isang lapad ng gin na pinagsaluhan namin sa loob ng pedicab.
Noong una ay hindi ko naisip ang itsura ng pedicab na nagmukhang park. Pero matapos baklasin ang bubong at dekurasyunan ang upuan, masahol pa ito sa Luneta na ginawang disco club sa sobrang dami ng Christmas lights.
Sayang na sayang. Tapos na ang lahat. Tapos nang pira-pirasuhin ang mga parte ng pedicab at tapos na ring ibenta sa junkshop. Tapos na rin ang lahat sa pagitan namin at kasabay ng paglisan niya ang paglaho ng kanyang pangako na palalagyan ng unleaded gasoline ang pedicab. Tuluyan na nga siyang naglaho. Tuluyang naglaho.
Nakatutok pa rin ako sa countdown ng balita sa TV. Isang oras na lang, Pasko na. Gaya ng nakaraang Pasko, si long neck at “happy peanuts” pa rin ang kasama ko. Pero ang kakosa naming pedicab, kung sakaling muling mabubuo, mananatili pa ring de-padyak at kailanman ay mananatiling uhaw sa unleaded. Katulad ng puso ko na sa tuwing sasapit ang Pasko ay uhaw na uhaw sa kanya.
Nakakapraning ang alak na ito. Pero tama ang commercial at mga nakasulat sa billboard ng Edsa, todo lakas! Habang tumatagal lalong sumasarap. Sa mga oras na ito, saka ko lang naisip na ang pagkapraning ng isang tao ay lalong nagpapalawak sa kanyang imahinasyon. Tulad ng imahinasyong ito, na nakasama ko siya kahit minsan sa isang mahalagang okasyon at sabay tumotoma sa loob ng pedicab na kargado ng unleaded. Bukas, ang tanging bagay na matitira na lamang sa akin ay hang-over at ang katotohanang malayo niya akong mapansin dahil ni minsan sa buhay niya ay hindi naman talaga niya ako nakilala.
Ilan lamang iyon sa mga maliliit na kasinungalingang ipininid ko sa aking isipan. Isa na lamang siyang matamis na panaginip na ikinulong ko sa pinakamalalim nap arte ng aking pagkatao. Ikinandado ng mapapait na alaala na matatagpuan sa pinakamadilim na silid ng aking puso. At kahit ano pa man ang aking gawin ay hindi ko na mahanap ang susi nito.

Ako ang Pelikula : Halukay mula sa Maligalig na Mundo ng Pinoy Indies

Ako ang Pelikula
Halukay mula sa Maligalig na Mundo ng Pinoy Indies
Ni Conrado A. Macapulay Jr.

Emman dela Cruz, Jeffrey Jeturian, Brillante Mendoza, Aureaus Solito, kilala mo ba sila?
Sila ang mga tao sa likod ng mga bagong pelikulang Pilipino na humakot ng mga parangal sa ibang bansa. Sila at marami pang iba ang bumubuo sa isang papausbong na industriya- ang Independent o Digital Filming.
Ang pinagkaiba ng pelikulang indie sa mga pelikulang nakagiliwan niyo ay makikita sa baba ng perang gugugulin at sa bilis ng pagkakagawa, ngunit maipagmamalaki rin ang kalidad.
Ang proseso ng pagkakabuo ng pelikulang indie ay kasalungat ng prinsipyong umiiral sa paggawa ng mga pelikulang komersyal – mas personal, eksentriko at may libog.
Dekalidad, mas mababang gastos at mas madali. ‘Yan ang mga pangakong hatid ng makabagong teknolohiya sa mga pangahas na ito na muling bubuhay sa naghihingalong industriya ng pelikula.
Sa totoo lang, nakalulungkot isipin na naging matunog ang mga ito hindi dahil talagang napanood ng mga Pilipino ang mga obrang ito ngunit dahil sa pag-alingawngaw ng mga balita na ang mga ito’y nagawaran ng parangal sa mga pandaigdigang palihan. Mas nauna pang natikman ng mga dayuhan ang mga putaheng gawa ng ating kapwa Pilipino.
Narito ang ilan sa mga pelikulang ito.
Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros
“Balikan ang ganda, tamis at pait ng unang pag-ibig.” Ito ang naranasan ng nagbibinatang nagdadalagang si Maxi. Nagsilbi siyang ilaw ng tahanan ng pamilya matapos mamatay ang kanilang ina. Siya na ang nag-aasikaso kay Mang Paco (Soliman Cruz) at dalawang kapatid na pawang mga sangkot sa pagnanakaw ng cellphone at pagsusugal. Siya ang nagluluto, naglilinis, nagsusulsi ng mga butas na pantalon at naglalaba ng kanilang salawal. Dahil dito, hindi siya ikinahihiya ng kanyang pamilya. Nagbago ang inog ng mundo ni Maxi nang makilala niya si Victor (JR Valentin), isang makisig at tapat sa tungkulin na alagad ng batas. Dahil sa likas na kabaitan ni Maxi, naging malapit sila ng pulis.
Nasangkot ang kanyang kuya Bogs (Ping Medina) sa isang holdapan at nakapatay ng isang estudyante. Nagkataong si Victor ang hahawak ng kaso. Sa puntong ito, kailangang mamili ni Maxi kung saan siya papanig. Mas matimbang ba ang dugo o puso? Pinakita ni Maxi ang tapang ng isang lalaki matapos niyang piliin ang pamilya. Sa huli, nanaig pa rin ang lukso ng dugo.
Ang pelikulang ito ay mula sa panulat ni Michiko Yamamoto at idinirehe ni Aureaus Solito, naging mag-aaral ng University of the Philippines Film Institute (UPFI).
Kubrador
Ang pelikulang ito ni Jeffrey Jeturian ay nakasentro sa tatlong araw bago mag-undas sa buhay ni Amelita (Gina Pareño), isang kubrador ng jueteng sa loob ng 20 taon. Siya ay may tatlong anak – si Mina na isang domestic helper, si Juvy na ‘anakan’ at nakatira sa kanyang biyenan, at si Eric na isang sundalong nasawi sa bakbakan sa Mindanao. Si Mang Eli ang kanyang kabiyak na siyang nagmamando sa kanilang tindahan.
Hindi na magtataka si Amy kung mahuhuli siya ng pulis isang araw. Siya at ang mga kasama niyang kubrador ay hindi pababayaan ng kanilang kabo. Binigyan sila ng pang-piyansa. Hindi lang ang kabo ang sangkot sa ilegal na gawain, maging ang mga kongresista, punong-lungsod at Presidente ay kasabwat dito.
Sa sumunod na araw, binalikan ni Amy ang kanyang karaniwang gawain – ang mangulekta ng taya. Nakausap niya ang Pari ng kanilang parokya at ipinaalam sa kanya na may kamamatay lang sa kanilang lugar. Kinasabwat siya nito na mangulekta ng abuloy. Hindi lang ito ang pinagkakaabalahan niya, tagapasa rin siya ng tsismis mula sa isang lipunang pinatatakbo ng mga batas at panuntunan na nakatatanggap din ng ganansya sa mga gawaing ipinagbabawal nito.
Sa araw din na ito naging kinatawan si Amy ng kanyang kabo sa draw na gaganapin dahil ito ay may sakit. Ngunit hindi sumipot ang tagapangasiwa at inihayag lang ang nanalong numero. Ang nanalo ay isa sa mga tumaya kay Amy. At nang kukunin na niya kay Mang Eli ang salapi, sinabi nitong hindi niya naibigay sa nanalo dahil nagastos niya ito. Uminit ang ulo ni Amy ngunit wala siyang magagawa. Kailangan niyang mangutang sa kabo.
Sumapit ang araw ng undas. Hindi pa rin iniimik ni Amy si Mang Eli. Naabutan pa nila si Glenda, kasintahan ni Eric, na nag-aalay ng bulaklak sa puntod. Dahil sa ayaw munang makita ni Amy ang kanyang asawa, naglibot-libot muna siya sa sementeryo. Nasaksihan niya ang isang mainitang pagtatalo ng dalawang tsuper. Bumunot ang isa ng baril at nagpaputok. Tinamaan ang lalaking tinedyer sa kanyang likod. Humingi siya nang tulong at pinakinggan naman siya ng mga tao. Sinakay ang sugatan sa sasakyan. Napatitig na lamang siya sa sasakyan habang ito’y lumalayo.
Kaleldo
Taong 1999 sa Guagua, Pampanga, siyam na taon matapos ang pagputok ng Pinatubo, isang balong taga-ukit sa kahoy na nagngangalang Mang Rudy ang mag-isang tumataguyod sa kanyang pamilya. May tatlo siyang anak na babae. Si Grace ang bunso, masayahin at rebelde. Kakakasal lang niya. Si Lourdes naman ang pinakamasunurin sa lahat pero hindi masyadong pinagtutuunan ng pansin ng kanyang ama. Si Jess ang panganay, lesbiyana at may babaeng kasintahan. Nang atakihin sa puso ang kanilang ama, ang naatasang mag-alaga ay si Jess. Ngunit hindi ito ginusto ni Jess, dinala niya sa kanilang bahay ang kanyang kasintahan upang mag-alaga sa amang may sakit.
Nangngahulugang “init ng tag-araw”, ang obrang ito ni Brillante Mendoza ay tumatalakay sa isyung sekswal at ang pagkakaroon ng ‘di pagkakapantay-pantay na pagtingin ng magulang sa kanyang anak.

Pamana
Nang malaman ng pamilya de Jesus na yumao na ang kanilang Lola Nena, pinadala ang magkapatid na Johnny at Anna sa Pilipinas upang maging kinatawan sa pagbasa ng huling testamento.
Sa Pilipinas, nakilala nila ang kanilang pinsan na si Vanessa, isang sosyalerang kasundo ni Johnny sa pot session. Isang 19 ektaryang lupain sa Bulacan ang kanilang mamanahin. Dinala sila ng drayber na si Danny sa lugar na iyon. Nakilala nila si Tommy, isang baliw na nakakakita ng mga bagay na hindi nakikita ng normal na tao. Isa rin siya sa mga tagapagmana. Lingid sa kaalaman ng dalawang magkapatid, matagal na itong nililinang ni Vanessa, kasama ang mga kaibigan niyang sina Nico, Paolo at Ronnie, ang kanyang kasintahang nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot. Dito matutuklasan ng magkapatid ang mga hiwagang bumabalot sa lugar, kung bakit nilalayuan ng mga magsasaka ang lugar na iyon, at ang lihim na sikreto ng pamilya na siyang tunay na pamana.
Sarong Banggi
Ang likhang ito ni Emman dela Cruz ay hango sa awiting Bicolano na ang ibig sabihin ay “Isang Gabi”. Makikita dito kung paano babaguhin ng isang gabi ang dalawang nilalang, isang babaeng pagod na pagod na sa mundo at tumanda na sa prostitusyon (Jacklyn Jose) at isang binatang nais magkaroon ng karanasan sa pakikipagtalik dahil sa udyok ng kaibigan (Angelo Ilagan).
Lingid sa kanyang kaalaman, ang nakasama niyang babae sa gabing iyon ang tunay niyang ina.
Ipinapakita ng pelikula na hindi lahat ng taong namumuhay sa paraang hindi tanggap sa marami ay masama. Minsan mas angkop pa sa kanila ang tawaging tao.
Tuluyan na ngang nagbabagong-bihis ang pelikulang Pilipino. Dito makakaasa tayo nang dekalibreng pelikulang may lalim, may boses at magtuturo sa atin ng tamang landas. Tunay na maipagmamalaki ng lahing Pilipino sa buong mundo.