Monday, December 18, 2006

Ako ang Pelikula : Halukay mula sa Maligalig na Mundo ng Pinoy Indies

Ako ang Pelikula
Halukay mula sa Maligalig na Mundo ng Pinoy Indies
Ni Conrado A. Macapulay Jr.

Emman dela Cruz, Jeffrey Jeturian, Brillante Mendoza, Aureaus Solito, kilala mo ba sila?
Sila ang mga tao sa likod ng mga bagong pelikulang Pilipino na humakot ng mga parangal sa ibang bansa. Sila at marami pang iba ang bumubuo sa isang papausbong na industriya- ang Independent o Digital Filming.
Ang pinagkaiba ng pelikulang indie sa mga pelikulang nakagiliwan niyo ay makikita sa baba ng perang gugugulin at sa bilis ng pagkakagawa, ngunit maipagmamalaki rin ang kalidad.
Ang proseso ng pagkakabuo ng pelikulang indie ay kasalungat ng prinsipyong umiiral sa paggawa ng mga pelikulang komersyal – mas personal, eksentriko at may libog.
Dekalidad, mas mababang gastos at mas madali. ‘Yan ang mga pangakong hatid ng makabagong teknolohiya sa mga pangahas na ito na muling bubuhay sa naghihingalong industriya ng pelikula.
Sa totoo lang, nakalulungkot isipin na naging matunog ang mga ito hindi dahil talagang napanood ng mga Pilipino ang mga obrang ito ngunit dahil sa pag-alingawngaw ng mga balita na ang mga ito’y nagawaran ng parangal sa mga pandaigdigang palihan. Mas nauna pang natikman ng mga dayuhan ang mga putaheng gawa ng ating kapwa Pilipino.
Narito ang ilan sa mga pelikulang ito.
Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros
“Balikan ang ganda, tamis at pait ng unang pag-ibig.” Ito ang naranasan ng nagbibinatang nagdadalagang si Maxi. Nagsilbi siyang ilaw ng tahanan ng pamilya matapos mamatay ang kanilang ina. Siya na ang nag-aasikaso kay Mang Paco (Soliman Cruz) at dalawang kapatid na pawang mga sangkot sa pagnanakaw ng cellphone at pagsusugal. Siya ang nagluluto, naglilinis, nagsusulsi ng mga butas na pantalon at naglalaba ng kanilang salawal. Dahil dito, hindi siya ikinahihiya ng kanyang pamilya. Nagbago ang inog ng mundo ni Maxi nang makilala niya si Victor (JR Valentin), isang makisig at tapat sa tungkulin na alagad ng batas. Dahil sa likas na kabaitan ni Maxi, naging malapit sila ng pulis.
Nasangkot ang kanyang kuya Bogs (Ping Medina) sa isang holdapan at nakapatay ng isang estudyante. Nagkataong si Victor ang hahawak ng kaso. Sa puntong ito, kailangang mamili ni Maxi kung saan siya papanig. Mas matimbang ba ang dugo o puso? Pinakita ni Maxi ang tapang ng isang lalaki matapos niyang piliin ang pamilya. Sa huli, nanaig pa rin ang lukso ng dugo.
Ang pelikulang ito ay mula sa panulat ni Michiko Yamamoto at idinirehe ni Aureaus Solito, naging mag-aaral ng University of the Philippines Film Institute (UPFI).
Kubrador
Ang pelikulang ito ni Jeffrey Jeturian ay nakasentro sa tatlong araw bago mag-undas sa buhay ni Amelita (Gina PareƱo), isang kubrador ng jueteng sa loob ng 20 taon. Siya ay may tatlong anak – si Mina na isang domestic helper, si Juvy na ‘anakan’ at nakatira sa kanyang biyenan, at si Eric na isang sundalong nasawi sa bakbakan sa Mindanao. Si Mang Eli ang kanyang kabiyak na siyang nagmamando sa kanilang tindahan.
Hindi na magtataka si Amy kung mahuhuli siya ng pulis isang araw. Siya at ang mga kasama niyang kubrador ay hindi pababayaan ng kanilang kabo. Binigyan sila ng pang-piyansa. Hindi lang ang kabo ang sangkot sa ilegal na gawain, maging ang mga kongresista, punong-lungsod at Presidente ay kasabwat dito.
Sa sumunod na araw, binalikan ni Amy ang kanyang karaniwang gawain – ang mangulekta ng taya. Nakausap niya ang Pari ng kanilang parokya at ipinaalam sa kanya na may kamamatay lang sa kanilang lugar. Kinasabwat siya nito na mangulekta ng abuloy. Hindi lang ito ang pinagkakaabalahan niya, tagapasa rin siya ng tsismis mula sa isang lipunang pinatatakbo ng mga batas at panuntunan na nakatatanggap din ng ganansya sa mga gawaing ipinagbabawal nito.
Sa araw din na ito naging kinatawan si Amy ng kanyang kabo sa draw na gaganapin dahil ito ay may sakit. Ngunit hindi sumipot ang tagapangasiwa at inihayag lang ang nanalong numero. Ang nanalo ay isa sa mga tumaya kay Amy. At nang kukunin na niya kay Mang Eli ang salapi, sinabi nitong hindi niya naibigay sa nanalo dahil nagastos niya ito. Uminit ang ulo ni Amy ngunit wala siyang magagawa. Kailangan niyang mangutang sa kabo.
Sumapit ang araw ng undas. Hindi pa rin iniimik ni Amy si Mang Eli. Naabutan pa nila si Glenda, kasintahan ni Eric, na nag-aalay ng bulaklak sa puntod. Dahil sa ayaw munang makita ni Amy ang kanyang asawa, naglibot-libot muna siya sa sementeryo. Nasaksihan niya ang isang mainitang pagtatalo ng dalawang tsuper. Bumunot ang isa ng baril at nagpaputok. Tinamaan ang lalaking tinedyer sa kanyang likod. Humingi siya nang tulong at pinakinggan naman siya ng mga tao. Sinakay ang sugatan sa sasakyan. Napatitig na lamang siya sa sasakyan habang ito’y lumalayo.
Kaleldo
Taong 1999 sa Guagua, Pampanga, siyam na taon matapos ang pagputok ng Pinatubo, isang balong taga-ukit sa kahoy na nagngangalang Mang Rudy ang mag-isang tumataguyod sa kanyang pamilya. May tatlo siyang anak na babae. Si Grace ang bunso, masayahin at rebelde. Kakakasal lang niya. Si Lourdes naman ang pinakamasunurin sa lahat pero hindi masyadong pinagtutuunan ng pansin ng kanyang ama. Si Jess ang panganay, lesbiyana at may babaeng kasintahan. Nang atakihin sa puso ang kanilang ama, ang naatasang mag-alaga ay si Jess. Ngunit hindi ito ginusto ni Jess, dinala niya sa kanilang bahay ang kanyang kasintahan upang mag-alaga sa amang may sakit.
Nangngahulugang “init ng tag-araw”, ang obrang ito ni Brillante Mendoza ay tumatalakay sa isyung sekswal at ang pagkakaroon ng ‘di pagkakapantay-pantay na pagtingin ng magulang sa kanyang anak.

Pamana
Nang malaman ng pamilya de Jesus na yumao na ang kanilang Lola Nena, pinadala ang magkapatid na Johnny at Anna sa Pilipinas upang maging kinatawan sa pagbasa ng huling testamento.
Sa Pilipinas, nakilala nila ang kanilang pinsan na si Vanessa, isang sosyalerang kasundo ni Johnny sa pot session. Isang 19 ektaryang lupain sa Bulacan ang kanilang mamanahin. Dinala sila ng drayber na si Danny sa lugar na iyon. Nakilala nila si Tommy, isang baliw na nakakakita ng mga bagay na hindi nakikita ng normal na tao. Isa rin siya sa mga tagapagmana. Lingid sa kaalaman ng dalawang magkapatid, matagal na itong nililinang ni Vanessa, kasama ang mga kaibigan niyang sina Nico, Paolo at Ronnie, ang kanyang kasintahang nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot. Dito matutuklasan ng magkapatid ang mga hiwagang bumabalot sa lugar, kung bakit nilalayuan ng mga magsasaka ang lugar na iyon, at ang lihim na sikreto ng pamilya na siyang tunay na pamana.
Sarong Banggi
Ang likhang ito ni Emman dela Cruz ay hango sa awiting Bicolano na ang ibig sabihin ay “Isang Gabi”. Makikita dito kung paano babaguhin ng isang gabi ang dalawang nilalang, isang babaeng pagod na pagod na sa mundo at tumanda na sa prostitusyon (Jacklyn Jose) at isang binatang nais magkaroon ng karanasan sa pakikipagtalik dahil sa udyok ng kaibigan (Angelo Ilagan).
Lingid sa kanyang kaalaman, ang nakasama niyang babae sa gabing iyon ang tunay niyang ina.
Ipinapakita ng pelikula na hindi lahat ng taong namumuhay sa paraang hindi tanggap sa marami ay masama. Minsan mas angkop pa sa kanila ang tawaging tao.
Tuluyan na ngang nagbabagong-bihis ang pelikulang Pilipino. Dito makakaasa tayo nang dekalibreng pelikulang may lalim, may boses at magtuturo sa atin ng tamang landas. Tunay na maipagmamalaki ng lahing Pilipino sa buong mundo.

No comments: