Monday, December 18, 2006

Si Bespren Long Neck

Si Bespren Long Neck
Ni Emadee Joy Pangaliman

Ilan lamang iyon sa mga maliliit na kasinungalingang ipininid ko sa aking isipan. Isa na lamang siyang matamis na panaginip na ikinulong ko sa pinakamalalim na parte ng aking pagkatao. Ikinandado ng mapapait na alaala na matatagpuan sa pinakamadilim na silid ng aking puso. At kahit ano pa man ang aking gawin ay hindi ko na mahanap ang susi nito.
Ginawa ko na lamang taong bahay ang aking sarili sa araw na ito. Hindi naman na kasi mainam ang paghingi ng aguinaldo kapag narating mo na ang edad na disi-otso. Sa isang pangkaraniwang tao na katulad ko na hindi nakukumpleto ang koleksyon ng 13 bilog na prutas ‘pag Noche Buena, kahit biko lang ang ihain ayos na. Sa ilang taon kong pagpapasasa sa simpleng buhay, simpleng “happy peanuts” at long neck lang… solve na. Dahil para sa simpleng tao, bilog ang mundo at nakakalasing ang Pasko.
Umaga ng bisperas. Puno na ang palengke. Kumobra na naman ng libu-libo ang mga nagkakatay ng baboy, pumapatay ng manok, nagtitinda ng ubas, umaangkat ng gulay, at nagtatanggal ng agiw ng kisame. Mistulang sembreak lang ang Pasko. Dalawang pandesal na may tig-isang pahid ng dairy cream at kapeng barako ang hawak ko sa magkabilang kamay. Nakaupo akong nakatulala sa countdown to Christmas ng mga balita. Nangangarap na tumitikim ng leche flan sa poster ng Goldilocks at nananaginip ng gising na kunwari’y nasa loob ng telebisyon – nag-shashopping ng maraming Christmas balls at parol na hugis anghel at may hawak na pink na kandila.
Kuntento na ako sa ganito. Nag-offer lang naman ako kay Lord ng dasal na may kasamang buko juice kaninang umaga pagkagising ko.
Saglit akong napatingin sa kawalan at sumagi ang kanyang mukha sa aking isipan. Siya kaya? Sana ay nanalo siya ng keso de bola sa raffle at kung magkasama pa kami, may balato pa sana akong kalahating hiwa. Mag-iisang taon na rin ngunit ni minsan walang oras na hindi ko nilasap na sana’y maulit muli ang Paskong tuyo at isang lapad ng gin na pinagsaluhan namin sa loob ng pedicab.
Noong una ay hindi ko naisip ang itsura ng pedicab na nagmukhang park. Pero matapos baklasin ang bubong at dekurasyunan ang upuan, masahol pa ito sa Luneta na ginawang disco club sa sobrang dami ng Christmas lights.
Sayang na sayang. Tapos na ang lahat. Tapos nang pira-pirasuhin ang mga parte ng pedicab at tapos na ring ibenta sa junkshop. Tapos na rin ang lahat sa pagitan namin at kasabay ng paglisan niya ang paglaho ng kanyang pangako na palalagyan ng unleaded gasoline ang pedicab. Tuluyan na nga siyang naglaho. Tuluyang naglaho.
Nakatutok pa rin ako sa countdown ng balita sa TV. Isang oras na lang, Pasko na. Gaya ng nakaraang Pasko, si long neck at “happy peanuts” pa rin ang kasama ko. Pero ang kakosa naming pedicab, kung sakaling muling mabubuo, mananatili pa ring de-padyak at kailanman ay mananatiling uhaw sa unleaded. Katulad ng puso ko na sa tuwing sasapit ang Pasko ay uhaw na uhaw sa kanya.
Nakakapraning ang alak na ito. Pero tama ang commercial at mga nakasulat sa billboard ng Edsa, todo lakas! Habang tumatagal lalong sumasarap. Sa mga oras na ito, saka ko lang naisip na ang pagkapraning ng isang tao ay lalong nagpapalawak sa kanyang imahinasyon. Tulad ng imahinasyong ito, na nakasama ko siya kahit minsan sa isang mahalagang okasyon at sabay tumotoma sa loob ng pedicab na kargado ng unleaded. Bukas, ang tanging bagay na matitira na lamang sa akin ay hang-over at ang katotohanang malayo niya akong mapansin dahil ni minsan sa buhay niya ay hindi naman talaga niya ako nakilala.
Ilan lamang iyon sa mga maliliit na kasinungalingang ipininid ko sa aking isipan. Isa na lamang siyang matamis na panaginip na ikinulong ko sa pinakamalalim nap arte ng aking pagkatao. Ikinandado ng mapapait na alaala na matatagpuan sa pinakamadilim na silid ng aking puso. At kahit ano pa man ang aking gawin ay hindi ko na mahanap ang susi nito.

No comments: