Friday, December 22, 2006

Conyolita

Conyolita
ni: Emadee Joy Pangaliman


Kailangan ko ng pera.
Uminog na naman sa aking isipan ang tema ng alak. Hindi ko mawari kung bakit sa tuwing hahawakan ko ang aking panulat ay lagging sumasagi sa aking kokote ang amoy ng emperador na unti-unting nanonoot sa aking mga ugat. Hindi ko lubos mapagtagpi-tagpi ang kasagutan kung bakit sa sa loob ng ilang taon kong pag-iinom ay laging “oishi red” at “boy bawang” ang pulutan. Hindi ko alam na nilunok ko na pala ang lahat ng aking sinabi nang magbitiw ako ng mga katagang “hindi na ako susuka!” dahil ito ay nasundan ng part II at part III.

Kung iyong iniisip na ang akdang ito ay nagpapatungkol sa toma, tagay, tanggero at amats. Nagkakamali ka, dahil ang kalipunan ng mga salitang nasa ideya ko ngayon ay umiikot lamang sa katanungang ito… Bakit dalawang numero lang ang lagi kong nakukuha sa super lotto?

Marami-rami na rin ang raket na pinasok ko. Nagpa-ending, nagpa-jai alai, nagpataya sa loteng, namuhunan sa embutido, tocino, pulburon, yema at nagbenta ng mga produkto na naharbat ko sa pamaskong handog ng mayor namin. Dumayo na rin ako sa mga saklaan at hinasa ang aking talento sa tong-its, kara-krus at pusoy. Sa tuwing itatayo na ang mga tolda sa peryahan, isa na ako sa mga nakapila sa “color game”. Ito ang laro kuna saan talagang kumpul-kumpol na sugarol ang naglalabas ng lahat ng kayamanan nila dahil may posibilidad itong madoble o triple pa. Anim na kulay ang nakalatag, ang mga kulay ng watawa ng Pilipinas na dinagdagan ng kulay pink. Maglalapag ka ng taya mo sa kahit anong kulay mo gusto. Hihilain ang tali at malalaglag ang tatlong dice na tinatakan ng nasabing anim na kulay. Tengga! Magpapaikot-ikot ang mga dice at kung anuman ang lumabas, may tatalon ng abot-langit sa tuwa at may manghihinayang. Minsan na kong sumalok ng dalawang libo sa larong ito at biglaan ding nawala sa isang tayaaan lang. Nakakasulasok ang pakiramdam ko noon. Nais kong sakalin ang isponsor ng color game na’yon pero inalala ko ang numero unong patakaran sa sugal… “No hard feelings” kaya kumain na lang ako ng shawarma sa katabing tolda at tiniis ang anghang ng hot sauce dahil kulang na ang barya ko pambili ng gulaman.

Masaya na ako sa ganitong kinagisnang buhay. Isa lamang ako sa libu-libong tambay na naglipana sa kanto. Inasam ko na rin ang makatikim ng pilak na kutsara sa bibig, tumira sa mala-palasyong bahay at humiga sa limpak-limpak na dolyar. Isa lamang ako sa libu-libong tao na ayaw nang magising sa tuwing mananaginip ng pagkapanalo sa sweepstakes. Isa lamang ako sa libu-libong nilalang na sumasamba sa pera.

Kailangan ko ng pera. Iyan ang sambit ko sa bawat araw na tatahakin ko ang mapaglarong mundo. Iyan ang sambit ko sa tuwing makakakita ako sa eskwelahan ng mga babaeng bagong facial, nagparebond at pinalitadahan ng kolorete sa mukha. Iyan ang sambit ko sa tuwing maiisip ko na “wash and wear” lang ang aking nag-iisang pares ng uniporme at pudpod na ang takong ng aking sapatos.

Ngunit sandali lang.Bigla akong nahiwagaan. Hindi ko nais na iugnay ang anumang bagay na taliwas sa isipan kong nakapokus sa salapi maging ang aking emosyon na nagpupumiglas sa paghiyaw ng mga salitang pag-ibig. Iwinaksi ko na ang mga ito subalit sa mga oras na ito ay may isang bagay na sumasagi sa aking isip… Sa tuwing masusulyapan ko siya, bakit hindi ko matarok ang lalim ng kanyang tingin sa akin?

Ganito ang nararamdaman ko ngayon… Nalilimutan ko ang mga raket, pagtitipid, mukha ng mga bayani sa pera at paniningil ng mga utang sa bawat sandaling magtatama ng aming mga mata. Ang damdamin ko ay tila napupunta sa ibang dimension na linid sa mundong gingalawan ko. Magulo ang mga detalye. Inuunawa ko ang ibig sabihin ng mga tingin na iyon pero hanggang ngayon ay wala akong mapagkabit-kabit na kasagutan. Malabo pa rin. Ayokong bumuo ng ibang konklusyon at maniwala sa sarili kong haka-haka na “nakacrushan ako ne’to!” Dahil para sa akin hindi ako handing humarap sa isang relasyon na hindi isinasaalang-alang ang pera na kabayaran sa lahat ng aking paghihirap. Ganid nanga yata ako. Ganid at mukhang pera.

Ang totoo, hinayaan ko na lang maging komplikado ang lahat. Nanggigigil na akong malaman kung ano ba talaga ang nasa likod ng mga matang iyon. Makailang ulit ko ng sinubukan ang lapitan at tanungin siya subalit nangingimi ako sa bawat pagkakataong makikita ko siyang napapalibutan ng mga babae at nagniningning sa gara ang kasuotan. Naisip kong siguro ay saka na lang. Kapag dumating na ang panahon na nakapagpa-skin peeling ng ako at nakapagpa-derma. Kapg madami na kong pera katulad ng mga “yamanechi” sa pelikula dahil natatakot akong iba ang nakikita niya sa hinihinuha kong nakikita niya.

Bumalik ako sa daloy ng aking pagsusulat. Pilit kong inilugar ang aking sarili sa katotohanan. Ewan ko kung bakit itinuturing kong pinakamataas ang pera sa lahat ng bagay. Inisip kong ito ang nagsisilbing aksis ng mundo. Sana baling araw ay mapagtanto ko rin na hindi pera ang nangingibabaw sa mundo kundi damdamin. Damdamin na kahit patuloy na ikubli at pagtakpan ng milyones ay hindi pa rin pasisiil.

Naguguluhan na ako sa sala-salabat na ideyang umiinog sa aking utak. At heto nga ako ngayon, bumubuo ng katapusan ng isang sulating maski ako ay hindi maunawaan ang tema.

No comments: