Monday, December 18, 2006

Paskong Nagmamahal

Paskong Nagmamahal
Ni Fjordan G. Allego
Magmula ng pasukin ko ang daigdig ng pagsusulat, hindi na siguro matatawaran ang dami ng naisulat at nailathalang artikulo ko tungkol sa pag-ibig. Mula noong hayskul, madalas ito na ang tampulan ng aking mga salita kung kaya’t ang mga tula ko ang nagsilbing kabiyak ko noong mga panahong iyon. Marahil, sa kabila ng mababaw kong pananaw noon sa pag-ibig, ang mga sulating iyon ang nagdala sa akin sa kinaroroonan ko ngayon. Wala ni isang tao ang makapagsasabing nalinang ako ng aking pakikipagsapalaran sa mga titik kundi ang aking pakikipagniig sa damdaming madalas nating ipinaglalaban.
Natuto akong umibig sa pakikihalubilo sa mga nasulat nang mga akda na romantiko ang tema. Karamihan sa mga ito, mga tulang kung tutuusi’y hindi nakapagbibigay ng interes sa mga kagaya ko noong papausbong pa lang ang ganitong emosyon. Mangilan-ngilan lang kaming alam kong may ganitong hikbi. Sa kabila nito, hindi natinag ang kagustuhan kong tuluyang makipaglaro sa mga akda ng mga dakilang manunulat. Naputol man ang pagbabasa ko sa mga akdang ito nang mas pinili kong pagtuunan ng pansin ang akademiko, saka ko lamang napagtantong nabahiran na pala ako ng damdaming akala ko’y umiiral lamang sa literatura.
May mga relasyon akong pinasok ngunit hindi ito naging saksi sa pagkabihasa ko sa pag-ibig. Pakiramdam ko, nakikipaglaro lamang ako sa tunay na itinitibok ng puso ko at ng kapareha ko. Magkagayunman, pinilit kong maging matamis ang relasyong tinahak ko subalit ‘di nga nagtagal ay natuldukan din ito.
Hindi ko na muling sinubok pang magbungkal ng mga ideya at kwento tungkol sa pag-ibig magmula noon. Hinayaan ko ang aking sariling mag-eksperimento sa iba pang tema ng mga lathalain. Alam ko, nahirapan akong makibagay sa bagong takbo ng mga kwento at pakikipagsapalaran ng mga tauhan. Subalit, naging patunay itong hinding hindi ko na maiaalis pa ang unang minahal ko sa pagsusulat – ang pag-big.
Makailang ulit na akong nakatanggap ng pangungutya o dili kaya’y mga tinging animo’y nakagawa ako ng karumaldumal na krimen. Lahat ito dahil sa mababaw kong ideolohiya na umiikot sa salitang pag-ibig. Lahat naikokonekta ko sa salitang ito. Ito marahil ang dahilan kung bakit ako hirap unawain ang tunay nitong kahulugan. Sa dinami-rami ng mga nabasa ko, hindi ko na marahil mailayo ang likhang-isip sa katotohanan. Kadalasan, ito pa ang nagiging dahilan ng aking pagkatalo sa laban ng buhay. Dito ko napatunayan ang katotohanang sinasalamin ng mga nabasa kong akda.
Hindi ganoon kadaling pag-aralan ang pagmamahal dahil hindi naman talaga ito pinag-aaralan. Hindi rin ganoon kadaling iwaglit ito sa isipan dahil puso at hindi isip ang nakadarama nito. Ngayong kahit papaano’y malayu-layo na rin ang itinakbo ko sa aking murang kabataan, naging lalo akong sensitibo sa mga taong nakapaligid sa akin. Ayoko na kasing muling umibig.
Mahirap dahil ito ang kadalasang dahilan ng pagkatalo ko. Saka ko lang napatunayan na hindi lahat ng nararamdaman ay tama. Hindi rin lahat ng nararamdaman ay dapat ipaglaban. Maaring nagkakamali ako ngayon at bukas ay mabago na naman ng karanasan ang mga testamento ko rito subalit kung nakaraan lang naman ang pagbabasehan, ito para sa akin ngayon ang tama. Hindi bara-bara ang pag-aalay ng damdamin at hindi rin kasing dali o hirap gaya ng mga nasusulat sa mga nobela o napapanood sa mga drama sa telebisyon. Maaring maging mas mahirap pa roon o kung kabalikat mo si Kapalara’y madali mong matatagpuan ang iyong kapareha. Pero gaya ng sabi ko, hindi ito madali. Ang dalhin lamang ito sa puso at isipan, hindi na ganun kadaling takpan ang mga kilos mo’t galaw. Apektado nito ang lahat ng aspeto sa buhay mo. Para itong lasong kumikitil sa bawat pirasong buhay sa katawan mo. Ganito katindi ang tama ng pag-ibig – nakamamatay!
oOo
At ngayong panahon na naman ng Kapaskuhan, nawa’y maibaling natin sa ating mga minamahal ang tunay na kahulugan ng pag-ibig – para sa pamilya, iniirog at kapwa tao. Nawa’y matutuhan nating salubungin ang kaarawang ito ni Hesukristo na may pagmamahal sa puso, sa isip at sa gawa, araw-araw. Maligayang Pasko po sa mga magigiliw naming mambabasa at Manigong Bagong Taon!
oOo
Para sa inyong mga katanungan o suwestiyon, maari lamang sumulat sa fjordz.allego.hiraya@gmail.com o bumisita sa fjordz.multiply.com kung nais niyong makibahagi sa aking hiraya. Adios!

No comments: