Friday, December 22, 2006

Pinapatawad na kita… Paalam

Pinapatawad na kita… Paalam
Ni Cherry V. Tubes

Ilang minuto na ang nakakalipas pero para pa rin akong nakatingin sa kawalan. Hidi ko mapigilang huwag matulala matapos mong ipagtapat sa akin ang iyong kataksilan. Kahit paano ko piliting unawain ka ay hindi ko magawa. Gusto kong umiyak upang kahit paano ay maibsan ang sakit na aking nararamdaman pero wala ni isang luha ang lumalabas mula sa aking mga mata. Nais ko ring sumigaw ng malakas na malakas, ngunit wala ni katiting na tinig ang lumalabas sa aking lalamunan. Hindi ko alam kung bakit.
Maya-maya ay naramdaman kong hinawakan mo ang aking mga kamay. Sinubukan mong magpaliwanag at hingin ang aking pang-unawa. Pero tila sarado na ang aking isipan. Hindi na nito nais pang tumanggap ng paliwanag mula sa iyo. Ang tangi na lamang nitong alam ay ang katotohanang ako’y niloko mo.
Gayon pa man, ayaw kong maging hindi patas sa iyo kung kaya’t pinilit ko pa ring bigyan ng katwiran ang iyong pagkakasala. Sinubukan kong isiksik sa aking utak ang iyong rason. Nais kong kahit paano ay maging magaan para sa akin ang iyong ginawa. Tao ka lang din naman kasi, hindi ba? Hindi ka perpekto at may mga pagkakataon din naman na nagkakamali ka.
Subalit, bigo ako sa pagdepensa sa iyo sa aking isipan. Ginawa ko na ang lahat ng pag-unawa at inisip ang lahat ng mga posibleng dahilang makakapag-abswelto sa iyo, ngunit lubhang napakahirap talagang tanggapin na sa kabila ng mga ginawa ko para sa iyo’y nakuha mo pa rin akong pagtaksilan.
“Micah, patawarin mo ako. Hindi ko sinasadyang magpadala sa tukso. Nakikiusap ako, kalimutan na natin ang lahat at magsimula tayong muli. Pangako, magiging tapat na ako.” pagsusumamo mo.
Wala akong itinugon sa iyong pakiusap. Nakakatawang napakadali lang para sa iyo ang magbitiw ng ganyang mga salita. Napakagaling mo talagang mangako. Akala mo siguro’y magiging madali lang din sa akin ang lahat. Akala mo siguro’y ganoon lang kadaling mawala ang sakit. Nagkakamali ka. Hindi madaling pawiin ang kirot na nararamdaman ng puso.
Totoo nga ang sabi ng marami. Masakit matuklasan ang isang pagtataksil lalo na kung maririnig mo ito sa mismong bibig na taong labis mong minamahal. Kahit anong pagkukunwari ang gawin ko’y hindi ko maitatago ang sakit na aking nararamdaman. At kahit na anong paliwanag ang aking marinig ay hindi na nito mababago pa ang katotohanan.
Sa kabilang banda, nais ko pa ring magpasalamat sa iyo. Salamat at kahit paano ay naging tapat ka sa pag-amin sa iyong kataksilan. Salamat din dahil hindi mo na hinayaang malaman ko pa sa iba ang iyong ginawa at ikaw na mismo ang nagtapat nito sa akin. At higit sa lahat, salamat sa pagmulat sa akin sa reyalidad na hindi sa lahat ng pagkakataon ay kaya kong papaniwalain ang aking sarili.
Ramdam ko ngayon ang paninikip ng aking dibdib. Hinawakan ko ang kamay mong nakahawak sa isa kong kamay at ibinaling ang tingin sa nakayuko mong mukha. Pagkatapos niyon ay iniangat mo ang iyong nakayukong ulo upang salubungin ang aking tingin.
“Pinapatawad mo na ba ako?” tanong mo.
“Oo, pinapatawad na kita… Paalam”
Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Bigla ay dumaloy ang masaganang luha sa aking mga mata. Sa wakas ay napalaya ko na rin ang mga luhang kanina pa nais kumawala sa aking mga mata.

1 comment:

leonilo soro said...

Wow! galing naman nito,,, parang yung puso un nagsasalita, lupit ng mga katagang binitawan!