Monday, December 18, 2006

Aktor, Direktor, Prodyuser : Pagsilip sa buhay ng isang Hari

Aktor, Direktor, Prodyuser
Pagsilip sa buhay ng isang Hari
Ni Maria Kristina P. Mañozo

Mula nang ako’y magkamalay, naging bata at matuto sa mga bagay-bagay ay hindi ko maitatangging isa rin ako sa libu-libong taong sumubaybay, tumanghod at umalinsunod sa pag-inog ng karera ng iyong buhay.
Sa bawat paglabas at pagganap mo sa mga pelikulang tumatabo sa takilya ay hindi maikakailang karapat-dapat ka ngang maging idolo, lalo pa ng isang kabataang tulad ko.
Habang pinanonood ko ang bawat pagganap mo ay hindi ko maiwasang humanga ng lubos sa iyo at idagdag pa nga ang hindi mo matatawarang istilo sa pagsuntok sa mga kontrabida na tunay ngang nagpabilib sa akin. Pakiwari ko nga ay kasama mo ako habang ika’y nakikipagbakbakan o ‘di kaya’y ako ang s’yang nasa iyong kalagayan bagaman isa akong babae.
Kahit isa pa lang akong paslit noon – sa isip at gawa – ay lubos kong alam na isa ka sa pinakahinahangaan, iginagalang, at tinitingala ng marami sa husay at galing. Syempre, sa gandang lalaki na rin. Kaya nga ba isa ka sa pinakasikat sa pinilakang-tabing, sabi ni Nanay.
“Ang hari,” ika niya.
Anu-ano nga ba ang iyong mga pelikulang tumatak sa marami, Ronald Allan Kelly Poe?
Hindi ba’t nag-umpisa kang lumabas sa pelikulang “Anak ni Palaris” noong 1955 na sinundan ng “Lo Waist Gang” noong 1958. Sumikat ka sa pelikulang ito at ito rin ang naging simula ng pagsibol ng kasuotang “low waist.”
Simula noon ay sunud-sunod nang mga proyekto ang iyong ginawa na humigit-kumulang sa 200. Nariyan ang “Markado” (1960), “Asedillo” (1971), “Batang Quiapo” (1983), “Muslim Magnum .357” (1986), “Agila ng Maynila” (1989), “Dito sa Pitong Gatang” (1992), “Isang Bala Ka Lang” na may dalawang yugto (1983 at 1996), “Eseng ng Tondo” (1997), Isusumbong Kita sa Tatay Ko” (1999) at ang pinakahuli sa iyong pagganap, ang “Pakners” (2003) na kasama mo pa ang “hari ng bilyaran,” Efren ‘Bata’ Reyes.
At sino ba naman ang makalilimot sa pelikulang iyong ginanapan, idinirehe at nilikha na tumatak sa isip ng maraming Pilipino, pinakatumabo sa takilya at mga parangal – “Ang Panday.” Ginanapan mo ito bilang si Flavio na nagkaroon ng apat na yugto. Taong 1978 ito nang unang umere, sinundan ng dalawang yugto noong 1982 at ang pinakahuli ay noong 1984.
Ngunit hindi lang ang iyong husay sa pag-arte ang hinangaan ko sa iyo, napakaganda rin ng iyong kalooban. Ayaw mong nalalaman ng nakararami na ika’y tumutulong sa mga simpleng mamamayan, halimbawa na lang ay kung may naapektuhan o nasalanta ng kalamidad.
Kilala ka rin bilang tahimik at isa sa pinagpipitaganang tao sa industriya ng pelikula, na halos lahat yata ay walang masabi laban sa iyo. Liban na nga lang sa ilan mong kapintasan na ginamit ng ilan upang ika’y siraan at panghinaan ng loob.
Tulad ng paghusga sa iyong nasyonalidad na hindi ka ‘raw’ isang tunay na Pilipino, hanggang sa pag-ungkat sa sarili mong buhay na nagparumi sa malinis mong pangalan. Idagdag pa na isa ka rin palang drop out student at hindi nakapagtapos ng sekundarya bago pumasok sa industriya ng sine.
Subalit sila’y nagkamali, hindi mo ito ininda, sa halip ay itinuloy mo ang laban ng mahihirap. Pinagbigyan mo ang nais ng sambayanan – ang maging pinuno ka ng bansa. Tumakbo ka n’ung huling halalan at walang duda, nakuha mo ang pulso ng sambayanan. Iyon nga lamang ay sadyang garapal ang mga ganid na nakapaligid sa iyo kung kaya’t nawalan ng saysay ang lahat ng iyong pangarap – ang magsilbi sa bayan.
Makalipas ang halos pitong buwan ay nagimbal ang lahat sa pagputok ng balita. Ika’y inatake sa puso habang nagdiriwang ng isang okasyon. Ipinagdasal ka ng marami na sana’y makaalpas pa ngunit isang malagim na bangungot ang sumambulat sa lahat. Sa loob ng tatlong araw na pamamalagi mo sa ospital ay hindi mo na nga nakayanan at ika’y pumanaw na, ika-14 ng Disyambre taong 2004, edad 65.
Nakalulungkot ang sumunod na mga pangyayari. Ang buong bansa’y nanangis sa iyong paglisan. Hindi ko rin lubos maisip kung paanong nangyari ang lahat. Ang mga mata ko’y mugto habang nag-aabang sa harap ng telebisyon at nagbabasa sa lahat ng pahayagan kung ano nang balita sa iyo.
Pero ibang-iba ka talaga, lalo mo akong pinahanga dahil kahit sa pinakahuli mong pagganap at pagmumuni-muni dito sa mundong sakim ay pinilahan ka pa rin ng marami. At hindi ko ikakaila na isa rin ako at ang aking pamilya sa dagsang pumila sa siyam na araw na iyon ng iyong luksa. Iyon ay upang masulyapan ka lamang ng personal sa una at huling pagkakataon kahit ika’y malamig na.
Saludo ako sa iyo dahil pinatunayan mo hindi lang sa akin pati na rin sa nakararami na karapat-dapat ka ngang tawaging isang “hari.”
Tunay ngang isang “blakbaster” ang iyong buhay sa harap at likod ng tabing.
Ipinagmamalaki ka ng Pinoy, hindi lang dahil sa iyong galing kundi dahil na rin sa iyong mga paniniwala at paninindigan sa buhay.
Ngayon nga’t ika’y yumao na, lumipas man ang ilang taon ay hindi mapapantayan ninuman ang dakila mong adhikain at gawi. Kaya nga noong ika-24 ng Mayo, 2006 ay ginawaran ka bilang Philippine National Artist ng taon, pinakamataas na parangal na iginagawad sa isang artista. Ito ay sa bisa ng Executive Order No. 1065.
Sa susunod na taon ay pambansang halalan na naman, tulad ng dati ay lumalakad na naman ang maagang pamumulitika tulad ng napipintong pagbaba ng pasahe. Kasabay rin ng okasyong ito ay ang pagkakabulgar ng buo mong pagkatao na lalong naging dahilan upang mahalin ka ng publiko.
Isa kang inspirasyon para sa maraming Pilipino. Mabubuhay ng wagas ang iyong alaala at simulain sa isip at puso ng lahat, mahal na idolo … “Da King” Fernando Poe Jr.

*Isang pagbibigay-pugay at pag-alala sa yumaong Hari ng Sineng Pinoy, si Fernando Poe Jr.

Pinagkunan: imdb.com

No comments: