Friday, December 22, 2006

Kwentuhan lang naman…

Kwentuhan lang naman…
Ni Ma. Kristina P. Manozo

In this life, you can’t avoid gossip and unkind words from others. Whatever you do, you will never please everyone. Remember, if you were not worth anything, they would not bother.

Tumatak sa isip ko ang pinagpasa-pasahang mensaheng iyan na ipinasa rin sa akin ni Marcelle, kaibigan ko.
Tunay nga, dahil bawat tao ay may kani-kaniyang disposisyon sa buhay. Kani-kaniyang panlasa, at hindi mo sila masisisi kung hindi nila matanggap ang “ikaw” na simple at nagpapakatotoo lang.
May ilan kasi na kilala ka lang kung may kailangan sa iyo. May iba naman na sadyang ipinanganak upang ipangalandakan ang estado nila sa buhay at mamuhay bilang mga hari at reyna ng pintas, na sa sobrang palapintasin ay napapansin ang kahit na napakaliliit na mga bagay, at ang walang saysay pag-usapan ay pilit ring hinuhusgahan ng matatabil na dila. Nakakaawa.
Tulad ng mga kapitbahay namin na hindi namamansin as if hindi kami kilala pero kapag manghihingi ng donasyon para di-umano sa simbahan ay bigla kaming nakikilala.
Kapag may handaan sa kanilang bahay ay hindi man lang kami maimbitahhan kahit pabalat-sibuyas pero kapag ambagan para sa isang proyekto ng subdibisyon, bakit kami ang isa sa mga unang iniimbitahang mag-ambag?
Usapang imbitasyon pa rin, hindi kami iniimbita sa handaan sa kanilang bahay pero kapag may ibinebenta silang produkto ay kami ang kauna-unahang inaalok na bumili. At kung may pambansang okasyon man ay hindi rin kami nakakatanggap ng biyaya mula sa kanila kung hindi pa kami ang unang nagbibigay. Kung sa bagay, ayos lang. Sabi nga, “matutong magbigay at mahalin ang iyong kapwa.”
Eh, paano kung hindi naman sila ganoon sa iyo? Gagawin mo pa ba ang nararapat?
Wala ring kapitbahay na nagkakamaling kumuha sa amin para maging ninang o ninong ng kani-kanilang anak lalo na noong “tsaka” pa ang aming bahay. Ang “mabenta” sa pagiging ninong o ninang ay iyong may mga kotseng nakadispley sa harapan ng kanilang bahay. Pero kapag kailangan nila ang tulong o payo kung paano mag-aplay ng pension sa SSS; paano ang gagawin sa housing loan; magpapasok sa trabaho; pahingi ng buhangin o semento (sobra namin noong nagpa-renovate kami ng bahay) ay sa amin sila lumalapit.
Takang-taka sila kung bakit laging nasa loob ng bahay si Mamang at hindi katulad nila na umagang-umaga ay nakabalandra na sa kalye habang nagkukuwentuhan ng mga walang kapararakang bagay. Hindi nila alam, kumikita si Mamang kahit nasa loob lang siya ng bahay.
Takang-taka rin sila kung bakit ang dami niyang nilalabhang damit araw-araw. Kasi ang nakadamit lang sa kanila ay ‘yung misis. Ang ama, anak na ang lalaki ay naka-shorts lang at nakahubad maghapon. Ang hindi nila alam, sa aming pamilya ay dalawang set na ng damit ang kinukunsumo – pambahay at panlabas. E, sila, mga walang trabaho at hindi nagsisipag-aral kaya isang shorts lang (wala pa sigurong brief iyon) ang nagagamit maghapon at magdamag. Kasi ‘yung shorts din na iyon ang ipinantutulog.
Pero okey lang ‘yun. Araw na naman kasi ng mga puso kung kaya’t dapat silang patawarin at intindihin na lang sa kanilang mga nakagawian na. Hindi kasi nila alam na ang istorya ng buhay nila ang pinagkakakitaan ni Mamang.

No comments: