Monday, December 18, 2006

Paskuhan at Halalan

Paskuhan at Halalan
Ni Hector S. Arandia

Panahon na naman ng kapaskuhan. Panahon kung saan namamahagi ang mga Pilipino ng mga biyayang natamo sa buong taon. Subalit may iilan na ginagamit ang araw na ito sa mga pansarili nilang interes. Makikita mo sila na animo'y mga anak ng Diyos na tumutulong “kuno” sa mga maralita, ngunit ang kapalit ay ang panatilihin silang nasa tuktok ng pamamahala. Sila ang mga “trapo” – mga pulitikong sinasamantala ang kapaskuhan upang magpabango ng kanilang pangalan.
Laganap ang kanilang mga pagmumukha sa lansangan. Nadaig pa nila ang mga sikat na artista at modelo sa rami ng kanilang mga billboards. Ang kanilang mala-asong ngiti, malagong bigote at nangingintab na noo ang animo'y nagsasabing "Merry Christmas! Iboto niyo ako ha!"
Nagpapaayos sila ng mga daanan, nagsasagawa ng libreng gamutan o ‘di kaya'y namimigay ng pagkain, sabay sabing "Ang lahat ng ito ay handog sa inyo ng inyong abang lingkod!"
Bakit? Sa kanilang sariling bulsa ba galing ang pinampondo sa mga proyektong iyon upang ipangalandakan ang kanilang mga sarili bilang si Santa Claus na namimigay ang regalo mula sa sarili niyang pagsisikap? Hindi nga ba't sa kaban ng bayan nanggaling ang ginagamit nilang pera? O baka naman kanila na itong inari at ibinulsa bago gamitin? Oo nga naman, sa paraang iyon, masasabing "galing sa sariling bulsa" ang ginamit sa proyekto.
Mayroon din namang mga dumadalo sa kasiyahan ng ilang komunidad at nakikihalubilo pa. Ngunit ang tangi lang naman nilang gusto ay ipakilala sila sa mga pagtitipon sa ganitong paraan: "May we acknowledge the presence of Mayor Kuraks? Sir, thank you for supporting this event.”
Kung hindi naman sila mismo ang tatakbo sa eleksyon (sa dahilang naka-ilang beses na sila sa pwesto at hindi na maaaring umulit pa) ay isinasama nila ang kanilang asawa, anak, kabit, o anak sa labas sa kanilang campaign, este, Christmas posters. Siguro nama'y nakakakita na kayo ng mga poster na ganito: "'Maligayang Pasko! Mula kay Congressman Blahblah at Mrs. Blahblah' o kaya'y 'Merry Christmas! From Mayor Maui and son Manoy'" Ano pa ba naman ang aasahan mong dahilan kung bakit nila isinasama ang mga hindi naman kagandahang kamag-anak sa mukha ng kasuklam-suklam ding pulitiko? Aba, siyempre'y sila ang magmamana ng trono sa pamahalaan!
Sa ginagawa ng mga pulitikong ito, tama lang sigurong sabihin na ang Pilipinas ay isa sa may pinakamahabang panahon ng eleksyon.
Hindi naman talaga maiiwasang isipin na may ibang dahilan kung bakit tuwing Pasko'y bigla na lamang lumalabas ang mga dating hindi mahagilap at mahingan ng tulong kapag walang okasyon. Kailangan ba'y laging pasko para makatulong sa tao? Kailangan bang ipamukha sa mga mamamayan ang kanilang mga nagawa sa bayan? Kailan magbabago ang sistema ng pulitika sa Pilipinas?
Nagtatanong lang po.

Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa lahat.

No comments: